Ang kaugaliang ito ay nakuha diumano natin sa mga Intsik, labis kasi ang pagpapahalaga nila sa pamilya. Subali't sa atin 'di lang ito maiiugat sa pagiging makapamilya, may kinalaman din ang kalagayan sa buhay. Kasi, kapag nag-asawa ang isang anak at hindi pa kayang bumukod ay nakikipisan lang sa mga magulang. Ito ay dahil sa mahirap sa atin ang magkaroon ng sariling bahay at lupa.Ngunit minsan naman ay ang mga magulang na rin mismo ang may gusto ng ganitong sistema para makita at makasama lagi ang mga apo.
Tulad sa ibang bagay, ang extended family ay may maganda at 'di magandang bentahe. Siyempre, ang kagandahan nito ay masigla ang isang tahanan na binubuo ng marami. Ika nga mas marami mas masaya, biruin mo araw-araw may family reunion! Ngunit maganda lang ito kung malaki ang bahay para punan ang madaming miyembro ng pamilya. Hindi mo na nga naman kailangan pang umupa dahil libre lang ang pagtira. Mag-abut-abot lang ng pera sa magulang ayos na.Makakaasa rin ng suporta ang kapamilya na walang hanapbuhay. Kapag nagkaroon ng problema tiyak may dadamay. Nagpapakita rin ng malakas na puwersa ang pamilya na marami ang bilang.
Ang 'di naman maganda sa ganitong uri ng pamilya ay nakawawala ito ng privacy. Kapag maliit lang ang bahay ay nagkakasiksikan, maingay at magulo rin. Nakabibigat rin ito sa ilang miyembro lalo't sila ang sumasagot sa maraming gastusin sa bahay. Dahil din dito ay nagiging palaasa ang iba tutal may nasasandalan naman. Isa pa, hindi maiiwasan na mapakialaman sa pagdidesisyon sa bagay-bagay kasama na rito ang pagpapalaki sa mga bata. Kapag nagkagalit-galit ay puwedeng maisumbat ang mga naitulong nila sa iyo.
Kaya't kung kaya rin lang bumukod ay bumukod na dahil mas maganda kapag ganito. Bukod sa matututong tumayo sa sariling paa ay ikaw mismo ang magpapatakbo ng sariling pamilya. Ngunit kahit ano pa siguro ang sabihin ay kasamahan na ito sa ating kultura- ang magsama-sama ang maraming magkakapamilya sa iisang bubong!
No comments:
Post a Comment