Tuesday, February 9, 2010

Timberland: Paraiso sa Gitna ng Kabundukan



Kamakailan lang ay napuntahan ng manunulat na ito ang Timberland Sports and Nature Club para dumalo sa isang b-day party. Ito ay matatagpuan sa Timberland Heights, San Mateo, Rizal at lubhang kakaunti pa lang ang mga bahay na nakatayo rito. Nakatayo ang Club na ito sa lupang may kabuuang 300 na ektarya. Malapit lang naman ito sa Metro Manila kaya’t madaling puntahan. ‘Yun nga lang kailangan ay mayroong service o sariling sasakyan dahil walang transportasyon papunta doon. May katirikan din kasi ang kalsada papunta sa Timberland.

Masasabi kong napakaganda nga ng lugar na ito. Kakaiba ang disenyo nito, bago ka pumasok sa Club ay mayroong kang makikitang malalaking tipak ng adobe na pinagpatung-patong. Nagpapahiwatig ito na ang ilang sangkap ng haligi sa Club ay gawa rin sa adobe.Wala itong ipinagkaiba sa ibang Club na nagkalat sa Kamaynilaan dahil kumpleto rin ito sa pasilidad. Puwede nga itong ihanay sa mga naggagandahang hotel na nagkalat sa Kamaynilaan. Ngunit ang ikinaangat nito sa kanila ay ang pagiging solemn ng lugar. Marahil ay sadyang inihiwalay sa siyudad ang Club na ito para makaramdam ng kakaibang katahimikan. Malayo sa ingay ng lunsod. Malayo sa polusyon at bigat ng trapiko! Isa pa, nakakaulayaw mo pa ang kalikasan.

Akma ang lugar nito sa mga taong gustong mag-retreat at gustong makapag-relax. Puwede rin ito sa mga magkasintahan na gustong mag-date dahil romantic ang atmosphere rito. Sa bintana ay tanaw mo ang Metro Manila, kayganda nitong pagmasdan lalo na’t kung gabi dahil sa mga kumukutitap na ilaw. Napagtanto kong hindi lang pala sa Antipolo mayroong overlooking kundi maging sa San mateo rin! Dahil nasa mataas na lugar nakatayo ang club na ito ay mistulang abot mo ang langit. Sabi nga ng mga ilang nakapunta na roon ay mistula silang nasa paraiso. Marahil isang ekseheradong paglalarawan ngunit sadyang kakaibang pakiramdam talaga ang mararanasan kapag napunta ka rito.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...