Wednesday, February 27, 2008

Makabatang Makabayan (Para kay Oliver Carlos)


Nasa ibang bansa ka man 'di pa rin nakalilimot
'Pagkat sa puso mo bayan na'y nailuklok
Kaya't sa paghawak ng pluma itong tinutula
Binibigkas at inaawit mo hangad na paglaya.

Panulat mo'y tigib ng kasawian at lumbay
Larawan ng Pilipinas iyo lamang isinasalaysay
Sa bawat dukhang lumuluha ikaw'y karamay
Hagupit ng lipunan sa iyo ri'y lumalatay.

Ayaw mo na basta na lang magmasid
Habang ang ila'y payapang natutulog sa silid
Mas ninais mong maging tinig ng mga walang tinig
Upang sa kadiliman hibik nila'y iparinig.

Kay Amado Hernandez ka maihahalintulad
Sa bawat himaymay ng dugo, bayan ang ipinipitlag
'Di nila nasupil ipiniit man sa loob ng rehas
'Pagkat tunay na laya ay walang halagang katumbas.

Mga tula mo ay walang sawang pakikibaka
Laban sa bulok at balakyot na sistema
Kamulatan ay sadyang ibinabahagi sa lahat
Upang karapatang pantao'y 'di tuluyang mawasak.

Kasama, salamat sa mga akdang walang singtapang
Sa pag-aalay ng diwa sa sambayanan
Mistula kang nasa gitna ng himagsikan
Na ang sandata'y pagiging makabayan!

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...