'Di ba napapansin kapag sinisindihan mo?
Hinihithit dahil masarap sa panlasa ito
Labas-masok sa bibig at ilong bawat minuto
Ganyan ang buhay umuusok tulad ng sigarilyo
Mga usok na 'di alam kung saan tutungo.
Mga usok tayong sumasabay sa ihip ng hangin
Lumulutang doon sa may himpapawirin
Usok na may iba't ibang hugis at landasin
Lumilikot dumidiretso, naglalaho man din
Ngunit sumisira ng baga't nagpapaitim
Kung alin pang nakasasama 'yun pang hilig natin.
Ang buhay ay isang sigarilyo
Pagkat tayo lamang ay mga abo
Kaya't may dapat bang ipagmalaki ang tao?
Kahit pa sigarilyong maaaring makapaso
Nakalilikha ng sunog kapag 'yong ginusto
Sa buhay natin ito ay nakakaperwisyo.
Sigarilyo na dati ay pagkahaba-haba
Ngunit mabilis ang buhay, maiksi sa balat ng lupa
Tanging alaala ay ang upos na natira
Mawawalan ng halaga at magiging basura
Ikaw, ang sigarilyong buhay saan mo ibubuga?
No comments:
Post a Comment