Thursday, March 21, 2013

Minsan Isang Tag-ulan



Minsan isang tag-ulan
Nakaulayaw ko ang katahimikan
Nag-iisa lang sa aking kinalalagyan
Nananabik na mahanap ang paraluman
Na makakasama sa kaluwalhatian.
Minsan isang tag-ulan
Nagtagpo tayo sa isang limot na daan
Nagkakilala kahit 'di inaasahan
Ang ulan ay nagkaroon ng kahulugan
Doon umusbong ang ating pagtitinginan.

Minsan isang tag-ulan
Ikaw'y aking inibig at niligawan
Salamat at ito rin ay 'yong sinuklian
Nag-uumapaw sa puso ang kagalakan
Bumabaha sa dibdib ang nararamdaman.

Minsan isang tag-ulan
Naglalakad tayo habang nagpapayungan
Ngunit nabasa pa rin ang ating katawan
Tila ang langit tayo ay binabasbasan
Tayo nga ba ang tunay na kagkapalaran?

Minsan isang tag-ulan
Ikaw ay nagpaalam na para lumisan
Tapos nang lahat sa ating pagmamahalan
Tila bagyo na sa buhay ko'y nagdaan
Huminto man narito pa rin sa isipan.

Minsan isang tag-ulan
Sumulat ako ng tulang may kapanglawan
Ang bigat ng loob ko ay nagpupulasan
Naaalala kita sa pagbuhos ng ulan
Dito nagmula't natapos ang kasaysayan.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...