Sa panahon ngayon kung saan ay napakaraming pinagkakaabalahan ang mga tao ay napapanahon din ang mga kuwentong dagli o flash fiction. Napakaiksi na kasi ngayon ng attention span ng mga tao at tinatamad nang magbasa ng mahahabang mga salaysayin. Maliban na lang kung talagang malaki ang interes sa paksang inilalako ng isang manunulat.
Mas maiksi pa ang dagli sa maikling kuwento. Sadyang magkaiba ang dalawang ito pagdating sa istraktura. Dahil ang maikling kuwento ay nangangahulugan na buo ang istorya. May introduksiyon, gitna at wakas. Samantalang sa dagli ay pupuwedeng isang situwasyon o pangyayari lang ang iniikutan ng istorya. Madalas ang iba ay gumagamit ng first point o view na waring sarili nilang karanasan ang kanilang ikinukuwento. Ibig sabihin, hindi mo na kinakailangan pang ipaliwanag kung sino ba talaga ang iyong karakter.
Ang dagli ay nasa hanggang isang libong salita pababa. Mayroon pa ngang ibang manunulat na sumusunod sa pagbibilang ng salita sa flash fiction. Katulad na lamang ni Abdon Balde Jr. na may akda ng 100 Kislap. Ang koleksyon ng mga akda niya rito ay binubuo ng hindi aabot ng mahigit isang daan at limanpung mga salita.
Samantala ang maikling kuwento ay nasa isang libo hanggang limang libo salita.
Kung tutuusin ay matagal nang mayroong ganitong uri ng kuwento sa Pilipinas man o sa ibang bansa. Ngunit wala pa itong katawagan noon. Kaya’t maaaring sabihin na bagu-bago pa lang ang ganitong uri ng literatura. Noong taong 2007 ay lumabas ang aklat na “Mga Kuwentong Paspasan,” na inilathala ng Milflores Publishing kung saan ay napabilang ang akda ng dating Pinas editor na si Hilda Nartea at ang namayapa ng si Vincent John Rubio.
At ngayon naman ay lumabas ang libro ni Eros Atalia na inilathala ng Visual Print, ang Wag Lang Di Makaraos (100 Dagli Mga Kuwentong Pasaway, Paaway at Pamatay). Ayon kay Atalia, tatlong taon ang kanyang binuno sa pagsusulat ng aklat na ito. Ang Wag Lang Di Makaraos ay moderno sa paraan ng paglalahad at sinasalamin ang samu’t saring pangyayari sa ating lipunan sa paraang madaling unawain dahil simple lang ang paggamit ng wika.
Bagama’t maiksi lang ang dagli ay nag-iiwan naman ito ng tatak sa isipan ng mambabasa. Sabi pa nga ng ilan ay masyadong bitin. Pero kung minsan kung alin ang bitin ay ‘yun ang kinakailangang namnaming mabuti at pag-isipan nang husto. Maaari kasing ang dagli ay hindi lamang naglalarawan sa iisang bagay o situwasyon lamang. Bagkus sa maikling salita ay mas marami pa pala ang sinasabi. Ang maganda pa, kahit yaong mga walang hilig o tamad magbasa ay maaaring maengganyo dahil sa ito ay maiksi nga lamang. Angkop na angkop sa mabilis na daloy ng panahon kung saan karamihan sa atin ay mahilig sa instant.
Para sa iba pang babasahin.
Sunday, December 4, 2011
Thursday, December 1, 2011
Uhog at Lata: Isang Paglalakbay

Lumalamig daw ang simoy ng hangin ‘pag nalalapit na ang Pasko. Pero putsa ano’ng malamig heto at pinagpapawisan ako dahil sa init. Sabayan ng busina at trapik sa kalsada. Ang Metro Manila nga naman bukod na sa matindi ang noise at air pollution ay samu’t sari pa ang eksenang nagaganap bawat sandali. Nagbabasa ako ng libro habang sakay ng dyip. Pero ‘di sumasakit ang mata ko bagama’t usad pagong ang andar ng sasakyan ay bigla namang aandar kapag saglit na nawawala ang pila ng mga sasakyan.
Paghinto uli ng dyip ay may mga batang lansangan na sumampa sa dyip na sinasakyan ko. Batang babae at lalaki. Pero di sila karaniwang batang lansangan na laging umaakyat para manghingi ng pera. Dahil sila ay mga katutubong Badjao na dumarami bago sumapit ang Araw ng Kapaskuhan. Bakit nga ba hindi eh malalambot ang puso ng mga tao kapag nalalapit na ang ganitong panahon? Kaya dapat lang na samantalahin. Dahil pagkatapos ng Pasko balik uli ang iba sa pagiging walang pakialam sa kapwa. Mukhang magkapatid ang dalawang ito. Ang isa ay medyo malaki na at may hawak-hawak na lata. Kung titingnan ay para itong alkansya. Malaki ang lata na nasa gitna. Habang ang dalawang nasa gilid ay parang alkansya kung titingnan. Akala ko nga lalagyan ito ng pera.
Biglang namigay ng sobre ang batang babae na bukod sa madumi na ang damit ay may uhog pa ito. Mas maganda siguro kapag may tumutulong uhog para makakuha ng simpatya. Kung kulangot nga lang ito baka puwede pa itong pitik-pitikin para mawala. Ampangit kasing tingnan, e. Alangan namang mag-volunteer pa ako na punasan ang uhog ng bata. Anak ng patis talaga kung bakit ang daming nagkalat na pulubi sa Pilipinas. Kahapon lang ay may kumatok sa bahay namin at nanghihingi ng donasyon para diumano sa gaya niyang senior citizen. Kung titingnan mo naman ay di pa naman ganoon katanda tapos maayos pa ang porma. Baka naman nahihiya siyang magmukhang gusgusin sa harap ng tao. Nalimutan yata ng aleng ‘yun na simpatya ang kinukuha niya para makatanggap siya ng pera sa mga may-ari ng bahay na kinakatok niya. Parang ‘yung isang mama na kumatok din sa amin at nanghihingi ng pera dahil marami raw siyang anak. Kung ‘di ba naman eng-eng, eh. Pero ang mga batang Badjao na ito siyempre iba ang istorya nila.
Pagkatapos mag-abot ng sobre ang batang babae ay sabay umawit naman ang kanyang kuya na sinasabayan pa ng pagtambol sa lata. Pero in fairness ha, may rhythm din kahit na ganoon lang ang kanyang instrumento. Pero wala akong maintindihan sa lyrics dahil katutubong wika ang kanilang ginamit. Di gaya ng mga estudyanteng nakasakay ko na panay ang Inglesan. Ang tanging naiintidihan ko lang ay “Kedeng-kedeng.” Sa pandinig ko ay parang “kendeng-kendeng, ikerndeng mo Neneng.” Ang tambol ay sinabayan ng pagsayaw ng batang uhugin.
Hindi ko alam kung maaaliw ako sa ganitong uri ng pagtatanghal. Basta alam ko gusto lang makiamot ng mga batang ito sa biyayang tinatamasa ng iba na mas maayos ang kalagayan sa kanila. Natatawa naman ang mga kasakay ko sa d yip sa nanatanging pagtatangahal. Pagkatapos mag-duo ng magkuya ay kinuha na nila ang sobre. Ang sobre na ibinigay sa akin ay nilagyan ko ng dalawang piso. Kung baga sa patay, mabuti na rin ako ang nag-aabuloy kaysa ako ang ipinanghihingi ng abuloy. Bumaba na sila ng sinasakyan namin para pumara uli ng panibagong dyip. Sana ay makarami sila ng delihensiya. Malayo na ang dyip na sinasakyan ko sa kanila pero ‘di pa rin nabubura sa isip ko ang imahe ng batang uhugin at waring naririnig ko pa rin ang kanta ng kanyang kuya, “Kedeng-Kedeng.”
Subscribe to:
Posts (Atom)
