Monday, April 25, 2011

Isang pagsipat sa Ang Huling Dalagang Bukid at ang Authobiography na Mali, Isang Imbestigasyon ni Jun Cruz Reyes


Si Jun Cruz Reyes ay maituturing na hari ng post-modernong Panitikan sa Pilipinas pagdating sa pagsusulat ng kuwento. Mas kilala siya bilang ‘Amang Jun’ sa mga batang manunulat. Ang kanyang istilo ay hindi umaayon sa tradisyon. Mula nang unang gawin niya ang kanyang unang kuwento (Isang Lumang Kuwento) noong taong 1973 at makilala siya sa kuwento niyang ‘Utos ng Hari’ ay hindi pa rin siya lumalayo sa pagwasak sa kumbensyon na paraan ng pagkukuwento. Bago pa man dumating si Bob Ong ay nand’yan na siya.

Mabuting basahin ang bagong nobela ni Amang Jun na pinamagatang ‘Ang Huling Dalagang Bukid at Ang Autobiography na Mali, Isang Imbestigasyon.’ Alamin ang kuwento sa likod ng kuwento sa pagsusulat ng isang nobelang hindi tapos at kung paano naipasok ang autobiography ng manunulat.

Maaari bang magsama ang piksyon at ‘di-piksyon kung nobela ang pag-uusapan? Bakit hindi, yamang ang piksyon naman ay hinugot sa realidad. Katunayan, ang bago niyang libro ay nagkukuwento tungkol sa proseso ng paggawa ng kanyang nobelang binalak sulatin. Gagawin pa nga itong gawing documentary film kaso ay nabitin din. Hindi matahimik si Amang Jun kung kaya’t hindi niya hinayaang mabaon na lamang ito sa limot. Ngunit imbes na tapusin ang nobela ay binigyan niya ito ng bagong anyo at ito nga ang naging resulta.

Nakasentro ang ‘Ang Huling Dalagang Bukid’ sa bayan ng Wakas kung saan ay napabayaan na ang mga bukid dahil wala nang gustong maging magsasaka. Sa halip ay ang pangingibang-bayan ang solusyon para makatikim ng asenso sa buhay. Ang bukid ay nakunberte sa subdibsiyon, golf course at iba. Dati-rati ay ang mga lalaking may matitipunong katawan lang ang umaalis na karamihan ay nagiging construction worker sa Saudi. ‘Di naglaon ay ang batang kababaihan naman ang sumunod, na pumasok sa pagiging entertainer sa Japan.

Hindi natapos gawin ni Amang Jun noon ang nobela dahil may banta sa kanyang buhay kapag umuuwi siya sa kanyang bayan sa may Hagunoy, Bulacan. Sa bayan niya kasi siya kumuha ng mga karakter sa kanyang kuwento. Nag-interbyu pa nga siya ng isang entertainer sa Japan. Napag-iinitan siya ng ilang nasa kapangyarihan dahil sa pagiging makamasa ng kanyang panulat. Palibhasa ay may nasasagasaan ang kanilang ego kung kaya’t ganoon na lamang ang kanilang reaksyon. Dahil sa nailahad naman sa ‘Ang Huling Dalagang Bukid’ ang kanyang mga nais talakayin ay mistulang tapos na rin ang nobela. Ang kuwento ng bayan ng Wakas ay kumakatawan sa kabuuang-anyo ng Pilipinas kung saan ang pangingibang-bayan ang solusyon n gating mga kababayan para matakasan ang hirap ng buhay.

Gaya nang nasabi, tinalakay ni Amang Jun ang kanyang autobiography. Nailaysay niya nang malinaw at buhay na buhay ang iba’t ibang totoong karakter sa kanyang bayan sa Bulacan. Mula sa kanyang mga kamag-anak, kapitbahay, barkada at iba pa. Mula pagkapaslit hanggang sa maging magturo siya sa U.P. ay kanya ring naikuwento. Waring ikinuwento niya rin ang mga ito para maunawaan ng mga mambabasa kung paano ba siya nahubog bilang manunulat at kung bakit ayaw niya sa mga bagay na dogmatic o tradisyunal.

Dahil sa pagiging post-modernong manunulat ay itinuturing ng ilang kritiko lalo na ‘yung nakaangkla pa rin sa tradisyon na mali ang kanyang paraan ng pagsusulat. Mahilig kasing gumamit si Amang Jun ng mga salitang balbal na inaayawan nila. Para kasi sa kanila ay mayroong pamantayang dapat na sinusunod sa pagkukuwento. Hanggang pati ang tamang pagkilala sa kung ano ang katangiang dapat na taglayin ng isang manunulat ay pinakialaman na rin nila.

Kapag sinabi kasing nobela, ang alam lang ng marami ay isa itong buong kuwento na nakasentro lamang sa isang paksa. May malinaw na simula at wakas. At hindi puwedeng magsanib ang kuwento at sanaysay. Ngunit sa ginawa niya, pinapatunayan niya lang na puwede ang hindi puwede!

Para sa iba pang babasahin.

Tuesday, April 5, 2011

Ang Misteryosong Manunulat na si Bob Ong


Siya si Klaro, isang kartunista at kaibigan ni Bob Ong. Siya ang isa sa nakaaalam kung sino ba talaga si Bob Ong.


Lipas na ang panahon kung saan palasak ang paggamit ng pen name o alyas sa panulat. Noong araw, ginagamit ito para itago ang tunay na pagkakakilanlan ng isang manunulat. Ang ilan kasi ay mapanuligsa ang mga isinusulat kaya’t para mas malayang makapang-atake ay gumagamit ng pen name. Bahagi na rin ito ng pag-iingat para ‘di agad matunton ng kalaban. Samantalang ang ilang kababaihang manunulat naman noon ay gumagamit ng pen name na pang-lalake. Mas tanggap kasi ng mga mambabasa noon ang mga lalaking manunulat kumpara sa kababaihan.

Ngunit ang sikat na manunulat na si Bob Ong na nakapagsulat na ng walong libro ay bakit mistulang nagtatago pa rin sa likod ng isang alyas? Gayung sa panahong ito ay may mas kalayaang ipahayag ng isang manunulat ang kanyang mga saloobin. Isa lang ang maaaring sagot d’yan, nais niyang manatiling misteryoso. Kung makikita siya ng publiko, malamang ay dinumog na siya. Sa dami ba naman ng kanyang taga-hanga na matagal nang nasasabik na malaman kung sino ba talaga siya.

Madaling tinanggap ng mga mambabasa si Bob Ong dahil sa kapayakan ng kanyang panulat. Madaling maintindihan ng kahit na sino. Parang barkada lang ang kausap mo, ‘ika nga. Nakaugnay agad ang mga mambabasa sa kanyang mga isinusulat dahil totoong nangyayari ang mga ito at naranasan ng bawat isa sa atin. Katulad ng libro niyang ABNKKBSNPLAKO. Sino ba sa atin ang ‘di dumaan sa elementarya?

Nagsimula lang ang lahat sa blog na tinatawag na Bobong Pinoy, kung saan ay pinag-uusapan ng mga bumibisita ang kahinaan nating mga Pinoy. Sa pangalan na rin mismo ng blog nakuha ang alyas na Bob Ong. Base sa pagpapakilala niya sa kanyang sarili sa isa niyang libro, nasubukan na rin niyang maging guro at mamasukan sa opisina bago maging manunulat. Base pa sa kanyang kuwento, siya ay batang 80’s. Makikita ito sa ika-pito niyang libro na Kapitan Sino na ang setting ay noong Dekada 80.

Dahil si Bob Ong ay isang misteryoso ay maraming haka-haka ang nabuo tungkol sa kanya. May nagpapalagay na si Bob Ong ay isang babae. May nagpapalagay din na hindi lamang siya iisang tao dahil sa paiba-iba nitong istilo sa pagsusulat. May mga naniniwala namang hindi basta-basta lamang si Bob Ong dahil sa pagiging henyo nito sa pagsusulat. Sabi nga ng isa sa tagapagtaguyod ng panitikan sa Pilipinas na si Isagani Cruz, sadyang may alam sa literatura si Bob Ong. Dahil dito, may mga nagpapalagay na taga-akademiya rin ito. ‘Di niya maihayag ang kanyang sarili sa loob ng akademya kaya’t lumikha ng mga librong taliwas sa itinuturo sa mga paaralan.

Diyata’t nangungunang tagasaway si Bob Ong ng kumbensiyonal na paraan ng pagkukuwento. Bukod sa nilalaman ng kanyang mga libro, sa itsura pa lang ng cover ay kapansin-pansin na ang pagtaliwas nito sa karaniwang mga libro. Sa librong Bakit Baligtad Magbasa ang Mga Pilipino ay baligtad din ang cover nito. Samantalang sa libro niyang Paboritong Libro ni Hudas, wala sa mismong cover ang titulo ng libro kundi nasa ekstrang papel lang ito na ipinapasok sa libro. Nanggulat din si Bob Ong nang gawin niya ang Alamat ng Gubat na mukhang librong pambata. Pero hindi, dahil may tema itong pulitikal.

Paiba-iba rin ng istilo si Bob Ong mula sa pagsusulat ng non-fiction ay nag-fiction na siya. Ayaw niya kasing patali sa isang genre lamang. Nagtagumpay naman siya rito dahil kahit ano ang sulatin niya ay nagiging best seller sa bookstores. Katunayan, ang pinakabago niyang libro na Mga Kaibigan ni Mama Susan ay tungkol sa horror, na ang pagkakasulat ay gaya ng isang diary.

Hindi lamang sa mga mambabasa nakaapekto o nakaimpluwensiya si Bob Ong kundi pati na rin sa mga manunulat. Paano kasi ang ibang manunulat na nagsusulat ng librong may halong katatawanan ay madalas maiugnay kay Bob Ong. Madali na para sa ibang mambabasa ang magbansag ng gaya-gaya lamang sa kanya. Gayung ang bawat manunulat ay may kanya-kanyang karanasan at mga kaisipang ibig ipahayag. May mga mambabasa rin na walang ibang nakikilalang manunulat na Pinoy kundi si Bob Ong lang. Ngunit ‘di na ito kasalanan ni Bob Ong. Nangangahulugan lamang na ganyan katindi ang kanyang dating. Maituturing na nga siyang isang institusyon sa modernong pantikan sa Pilipinas. Kung kailan niya ipapaalam sa publiko ang tunay niyang katauhan ay siya lamang ang nakaaalam.

Para sa iba pang babasahin.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...