Monday, August 24, 2009

Relihiyon at pulitika




Dalawang lider-relihiyon na ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na tumakbo bilang pagka-presidente sa halalan sa taong 2010. Sila ay sina Bro. Mike Velarde ng El Shaddai Movement at Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Movement, kapwa mayroong ilang milyong miembro. Matatandaang noong taong 2004 ay tumakbo na rin si Bro. Eddie sa panguluhan. Samantalang si Bro. Mike ay kilalang taga-suporta lamang ni dating Pangulong Joseph Estrada. Bukod sa kanila ay nariyan din si Among Ed Panlilio, na isang pari na naging gobernador ng Pampanga.

Nagsawa na kaya ang mga taga-Simbahan sa sistema ng pulitika sa bansa kung kaya’t maging sila ay nakikisawsaw na rin sa pulitika? Magagawa kaya nilang alisin ang korapsiyon sa gobyerno kung sakaling isa man sa kanila ang maging pangulo ng Pilipinas? Tutal sila ay hindi mga trapo bagkus ang taglay nilang prinsipyo ay nakasalig sa kanilang pagiging alagad ng Diyos. Hindi matatawaran ang kanilang integridad dahil sa kanilang pagiging pagiging lider ng Simbahan. Kumbaga, hindi sila magiging korap dahil naruon na ang pagkatakot sa Diyos sa kanilang mga isipan. Ang problema nga lang, sa dami ng dominasyon sa Pilipinas ay tiyak na hati-hati ang mga ito. Maging ang ilang kapwa pari nga ni Among Ed ay tutol sa balak niyang pagtakbo sa pagka-presidente. Kaya’t paano nila kukunin ang kanilang mga suporta? Isama pa natin dito ang ilang mga pulitiko na nagpahiwatig na ng kanilang pagnanais tumakbo sa pagka-pangulo. Tiyak na magiging labu-labo ang eleksyon sa pagka-pangulo sa 2010 dahil sa dami ng inaasahan ng mga kandidato.

Sinasabi pa ng iba na sadyang magkaiba ang relihiyon sa pulitika. Pero karapatan din naman nilang tumakbo lalo’t hinahangad lang nila ay pagbabago katulad ng pinapangalandakan ng mga kandidato kapag papalapit ang halalan. Kung tutuusin ay hindi na bago ang pagtakbo ng isang taga-Simbahan sa pulitika. Minsan ay tumakbo na rin sa pagka-pangulo ang tagapagtatag ng Philippine Independent Church o Aglipayan Church na si Gregorio Aglipay noong panahon ng Commonwealth. Ngunit siya ay tinalo ni Manuel L. Quezon sa eleksyon noong taong 1935. Kaya’t ang buong panahon ni Aglipay ay itinuon na lamang niya sa pagpapalawig ng kanilang samahan.

Ngunit kahit wala pa sa pulitika ay hindi nawawalan ng kapangyarihan o impluwensiya ang relihiyon. Malilimutan ba natin ang ginawang pag-akay sa mga tao ng namayapa nang si Cardinal Sin na magtipun-tipon sa makasaysayang Edsa 1 para pabagsakin ang diktadurya ng rehimeng Marcos? Masyado ring vocal ang relihiyon partikular ang Simbahang Katoliko kapag mayroong mga isyung maaaring makaapekto sa moralidad ng mamamayan. Ipagpalagay man ng iba na nasobrahan lang sila sa pagka-konserbatibo. Kinukuwestiyon pa nga ito ng iba dahil nakasaad mismo sa Konstitusyon ang paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado kung kaya’t hindi dapat sila makialam sa pulitika. Ngunit kung iisipin ay trabaho rin nilang pangalagaan ang kapakanan ng kanilang kawan sa mga bagay na alam nilang makasasama sa pag-iisip ng mga tao. Mahirap naman ‘yung nakikita silang may maling nangyayari sa lipunan pagkatapos ay hindi sila magsasalita.

Ngunit isa lang ang sigurado, kinakailangan din ng mga pulitiko ang relihiyon. Kaya nga’t nililigawan nila ang mga ito para makuha ang kanilang basbas. Sa dami ba naman ng mga miembro ng isang relihiyon. Natural lamang na lalakas ang kanilang tsansa na magwagi ang isang kandidato. Ngayong ang ilang mga taga-Simbahan naman ang tatakbo kailangan pa ba nila ng basbas ng mga pulitiko? Hmmm…
-William M. Rodriguez II

Monday, August 17, 2009

Isang kagat sa karera ng aso


Patuloy pa ring nakabinbin sa Kongreso ang pagsasabatas sa pagkakaroon ng karera ng Greyhound sa bansa partikular sa Cebu at Luzon . Ang greyhound ay isang uri ng breed ng aso na malaki at mabilis tumakbo. Kaya naman ginagamit sa karera sa ibang bansa. Mayroong dalawang bersiyon para rito kapwa sa Mababa at Mataas na kapulungan ng Kongreso. Ito ay ang House Bill 5291 at Senate Bill 5648.

Layunin diumano ng ganitong panukalang batas na mabigyan ng trabaho ang mga tao. Ngunit ito ay mariing tinututulan ng mga animal lover. Kabilang na rito ang Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na nagtataguyod para sa kapakanan ng mga hayop. Ayon sa mga tumututol sa pagsasabatas ng karera ng mga greyhound ay magbubunsod lang ito ng kalupitan sa aso. Dahil kapag wala nang naging pakinabang pa ang isang greyhound sa bandang huli ay ididespatsa rin ang mga ito. Patunay diumano rito ang walang habas na pagpaslang sa mga aso kapag ito na ay kanilang pinag-retiro. Subali’t sinasabi ng mga mambabatas na nagtataguyod sa panukalang batas na ito ay hindi raw nila ito gagawin bagkus ay kanila pa ring aalagaan kahit hindi na nagagamit pa sa karera.

Sa ibang bansa ay laganap ang Greyhound racing partikular sa USA . Subali’t ilan na sa kanilang Estatado gaya ng Guam at New Hampshire ay itinigil na rin nila ang ganitong gawin dahil sa hindi naging magandang epekto nito sa mga hayop at maging sa tao na rin. Kaya’t bakit nga ba naman natin yayakapin pa ang isang batas na ibinabasura na ng iba. Maaaring ito ay makapagbigay ng trabaho sa iilan. Ngunit ilan namang tao ang mawawalan ng trabaho kung sakaling ito ay maisabatas sa atin? Ang higit lang diumano ritong makikinabang ay ang Fox New Millenium Amusement Club Inc. at Southeast Asia Greyhound Racing Club Inc., mga samahang sumusuporta para maisabatas ang karera ng mga greyhound sa ating bansa. Kung tutuusin ay marami na nang mga sugal na atin and’yan ang sabong ng manok, karera ng kabayo at kung anu-ano pa. Kaya’t bakit kailangan pa itong dagdagan?

Ayon pa sa mga kritiko ng greyhound racing, magdadagdag lang ito ng pagbaba ng moralidad ng ating mga kababayan, magpapalala ng krimen at siyempre ng kalupitan sa mga hayop. Sa ibang bansa diumano ang mga mananaya ng greyhound racing ay yaong mayroong maayos na kalagayan sa buhay. Subali’t sa atin, karamihan diumano sa magiging parokyano nito ay ang mga mahihirap nating kababayan. Aminin man sa hindi ay marami sa mga Pinoy ang umaasa lang sa suwerte kung kaya’t bakit marami ang mahihilig sa sugal.

Sa kabilang banda naman, dapat ay maging mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng pagbabawal ng pagkatay sa aso. Dahil hindi maikakaila na marami pa rin ang kumakatay ng aso kahit pa ito ay ipinagbabawal ng batas. Paano na lang kaya kung maging legal ang karera ng mga aso? Saan pa lulugar ang mga kawawang hayop na ito para matigil ang ginagawang kalupitan sa kanila ng mga tao? Para saan pa at tinawag silang Man’s best friend?

Monday, August 3, 2009

Isang pagpupugay kay Lazaro Francisco


Kabilang si Lazaro Francisco sa itinanghal ng Malacanang sa pitong bagong Pambansang Alagad ng Sining, sa rekomendasyon na rin ng National Commission on Culture and the Arts at ng Cultural Center of the Phi¬lippines. Si Francisco ay itinanghal na National Artist for Literature. Maihahanay na ngayon kina Bienvinido Lumbera, Virgilio S. Almario at iba pa. Hindi na ito nakapagtataka dahillubhang malaki ang naging ambag ni Francisco sa larangan ng panitikan. Ang pagkakaiba nga lang niya sa dalawang nabanggit na pangalan ay malaon na siyang wala sa mundo. Ngunit ang mahalaga ay makilala siya ng bagong henerasyon ng mga Pinoy lalo na ngayong ang panitikan ay nakasentro lamang sa loob ng akademya.

Ngunit sino ba si Lazaro Francisco? Siya ay isinilang sa Orani, Bataan noong ika-22 ng Pebrero 1898 at yumao noong Hulyo 17, 1980 sa gulang na 82. Nagmula siya sa ordinaryong pamilya. Hindi niya natapos ang kinuha niyang kursong Farm Management sa Central Luzon Agricultural School (ngayon ay Central Luzon State University) dahil na rin sa kahirapan at sinabayan pa ng pagkakaroon niya ng karamdaman. Pero kahit ganun ay naitaguyod pa rin niya ang sarili na makapag-aral ng kursong bookeping sa International Corrsespondence School. Naninilbihan siya bilang kawani ng pamahalaan sa loob ng maraming taon bilang kintador publiko o treasurer. At sa mga panahong yaon ay naging matapat at malinis siya sa kanyang tungkulin. Katunayan ay unti-unting tumaas ang kanyang puwesto hanggang sa maging provincial treasurer ng Nueva Ecija.

Kung parangal naman ang pag-uusapan sa larangan ng panitkan ay marami na ring nakamit si Francisco. Siya ay nakapagsulat ng siyam na nobela, hindi mabilang na mga kuwento at sanaysay, Ang kanyang nobelang Binhi at Bunga ay nanalo sa patimpalak ukol sa panitikan ng magasing Liwayway noong 1925. Sinundan naman ito ng pagkapanalo ng nobela niyang Cesar sa sumunod na taon sa nasabi ring magasin. Itinanghal naman ang kanyang nobelang “Sa Paanan ng Krus” ng Samahang Ilaw at Panitik na Nobelang Ginto noong taong 1934. Samantalang ang nobela niyang, “Singsing na Pangkasal” ay nagkamit ng pinakamataas na gantimpala sa kauna-unahang timpalak panitik ng Pamahalaang Komonwelth noong 1940. Mismong ang pangulong Manuel L. Quezon pa ang nag-abot sa kanya ng parangal. Marami pang mga patimpalak na napanaluan si Francisco na ‘di kailangan pang isa-isahan pa. Patunay lang ang mga ito ang pagiging prolipiko niya sa pagsusulat. Kinilala pa nga ng magasing Free Press na lumabas noong Enero 12, 1963 si Francisco bilang, “A national of the First order. A giant among the ants.”

Kilala si Francisco bilang isang reyalistikong manunulat dahil ang kanyang mga isinusulat ay nakabase sa kung ano ang nakikita niya at obserbasyon sa kanyang paligi. Nag-uumapaw ang kanyang mga akda sa diwang makabayan. Tinalakay niya sa kanyang mga obra ang mga sakit ng ng bayan na namamayani sa kanyang panahon. Ang noble niyang “Daluyong” ay personal na nabasa ng manunulat na ito at masasabi kong makatotohanan nga ang kanyang naging pagtalakay sa kanyang mga isinusulat. At hanggang ngayon ay mailalapat pa rin sa kasalukuyang panahon ang akda niyang ito. Katulad ng kapareho ng kanyang apelyido na si Francisco Baltazar nawa’y tumatak din sa isip ng marami ang kanyang mga kaisipan sa pamamagitan ng kanyang mga akda.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...