Tuesday, March 31, 2009

Diwa ng Mahal na Araw, nasaan?


Mahal na araw-ito ang panahon kung saan ay dapat ay magtika ang isang tao sa mga nagawa niyang kasalanan.. Paggunita sa Panginoong Cristo Jesus na minsan ay nag-alay ng kanyang buhay para sa ating lahat. Ngunit paano nga ba pinalilipas ng ilan nating mga kababayan ang mahalagang mga araw na ito? Bakit tila naging iba naman ang kanilang pakahulugan dito?

Para sa iba , ang Mahal na Araw ay isa lamang mahabang bakasyon, kung saan dapat ay makapagpahinga mula sa nakapapagod na pagtratrabaho. Mayroon nito para magkasama-sama ang magkakapamilya para magtungo kung sa beach o resort para makapagpalamig. Lalo na ngayon na sobrang init ng panahon dahil sa Global Warming.

Ito rin ang panahon kunsaan ay nagkakaroon ng “Alay-Lakad” papunta sa grotto ng Mahal na Birhen. Isinasagawa ito sa sa bisperas ng Biernes Santo. Naniniwala sila na sa pamamagitan ng pag-aalay-lakad ay nakakapag-sakripisyo na sila at mababawasan diumano ang kanilang mga kasalanan. Ngunit sa ngayon ay kapansin-pansin ay kakaunti na lang ang mga debotong kalahok dito. Bagkus karamihan ay puro grupo ng mga kabataan ang makikitang naglalakad. Kanya-kanya silang hawak ng bandera na nagbabandong sila ay miembro ng ganito at ganuong samahan. Dahil sa nagkakayabangan ay nagkakainitan at nauuwi pa sa kaguluhan. Mayroon ding magkakaaway na sa kalsada na nagkita kung kaya’t nagpapang-abot. Ilang ulit na ba tayong nakababalita na mayroong nasasaksak habang nag-aalay-lakad? Siyempre, hindi rin nawawala ang “Alay-Ligaw’ dahil mahaba-habang usapan nga naman ang nangyayari habang naglalakad.

Sa kulturang Pinoy ay hindi rin nawawala ang pagpapapako sa krus at pagpapahagupit ng latigo sa katawan. Nais din daw kasi nilang maranasan ang ginawang sakripisyo noon ni Cristo. Ang ganitong tradisyon ay nagmistulang isang malaking palabas dahil maraming mga dayuhan ang dumadayo pa sa ating bansa para lang makapanuod ng ganitong eksena. Maitatanong mo tuloy sa iyong sarili, kailangan pa ba ang ganitong bagay gayung ginawa na nga para sa atin ni Cristo para ‘di na tayo mahirapan? Ang gagawin na lang natin ay pagsisihan ang mga nagawang kasalanan at huwag na itong ulitin pa. Marami kasi sa kanila pagkatapos diumanong magsakripisyo ay bumabalik naman sa dating masamang gawain.

Ngunit ang iba kahit Mahal na Araw ay ayaw pa ring paawat sa bisyo. Marami pa rin kasing umiinom ng alak kahit bawal kapag Biernes Santo. Ang nakatatawa pa, kapag Biernes Santo rin ay magkabi-kabila ang sabong. Ang Kristo sa sabungan ang kanilang nasasaisip imbes ang tunay na Cristo. Mabuti pa ang mga birhaws nagagawang makisama kapag Mahal na Araw dahil sarado ang marami sa kanila sa ganitong mga araw.

Hindi lamang mga relihiyoso ang may paniniwala sa Mahal na Araw kundi pati yaong mga naniniwala sa mga bagay na mistikal. Sinasabing mainam diumanong gumawa ng anting-anting at gayuma kapag Biernes Santo dahil mas lumalakas ang bias nito. Kung ito man ay may katotohanan nasa kanila na rin ito.

Sana ay huwag nating makalilimutan na ang sentro ng mahal na araw ay mismong si Cristo at hindi ang kung ano pa man.

Tuesday, March 10, 2009

Pinay, sa bayan ni Hitler

Marami sa ating mga kababayan ang nangingibang bansa para magkaroon ng matatag na kinabukasan. Katunayan kahit saang lupalop ng mundo ay may mga Pilipino. Ngunit naiiba si Gina S. Morito, dating taga-Padilla, Antipolo City; nangibang bansa siya para magkaroon ng kalayaan. Kalayaang tumayo sa sariling mga paa. Limang taon na siyang naninirahan ngayon sa West Germany. Ito ay isa sa pinakamaunlad na bansa sa buong mundo. Ang maganda ay hindi ito nakasandig sa ekonomiya ng ibang bansa. Ngunit mayroon din silang mga Amerikanong business partner kaya't 'di maiiwasang maapektuhan din sila ng pandaigdigang krisis.

Ayon kay Gina ay hindi simple ang pamumuhay ng isang dayuhan sa naturang bansa dahil kahit saang aspeto titingnan ay laging paborable ang mga taga-Aleman sa kanilang mga kalahi. Kung trabaho ang pag-uusapan ay napakahirap umanong makakuha roon ng trabaho. Kinakailangan mo munang makapag-asawa ng Aleman para magkaroon ng magandang trabaho. Para hindi ka ituturing na iba sa kanila. Ngunit 'di nangangahulugan na porke't may asawang Aleman ay madali ng makakakuha ng trabahong pampropesyunal. Hindi uso sa kanila ang palakasan gaya sa Pilipinas. Dapat daw ay mayroon kang diploma galing sa kanilang paaralan. Ibig sabihin ay doon ka nakapag-aral ng anumang kurso. Kung hindi man, dapat ay nakapagtapos ka sa isang International School na kinikilala sa buong mundo. Magbuhat kasi nang matapos ang World War II ay naghigpit na ang kanilang pamahalaan sa pagtanggap ng mga dayuhang manggagawa dahil nagiging kaagaw pa nila sa trabaho ang mga ito. Dahil sa ganitong sistema, ang ginagawa ng ilang mga Pinay ay nag-aasawa na lang sila ng Aleman kahit pa sa amoy-lupa para matapos na lang ang kanilang paghihirap. Mayroong sinusuwerte at mayroon ding mga minamalas dahil sadista pala ang napakasalan.

Karamihan diumano sa mga Pinoy sa Germany ay nagtratrabaho bilang part timer gaya ng housekeeper, janitor, cook at kung anu-ano pang mga trabaho na nabibilang sa tinatawag na blue collar job. Si Gina naman ay nagtratrabaho bilang part time tutor, taga-pagluto ng pagkain ng mga bata, english translator at iba pa para lang maka-survive. Ngunit bakit nga ba nagtitiyaga ang mga Pinoy sa Germany kung ganito naman pala kahirap ang kanilang kalagayan? Mas mahirap naman diumano kung sa Pilipinas sila maghahanap ng trabaho dahil hindi rin sila makakaipon. Ang kita diumano ng isang nasa blue collar job ay mas mataas pa sa duktor sa Pilipinas. kaya't paano nga ba naman natin sila masisisi?

Nang kumustahin naman ang imahe ng Pilipinas sa naturang bansa ay sinabi ni Gina na napakasama! Dahil puro pangit na kaganapan pala sa atin ang ipinapakita sa telebisyon gaya ng kahirapan, trahedya, patayan at iba. Nalulungkot diumano si Gina kapag ganito ang kanyang napapanuod gayung marami pa namang bagay na dapat ipagmalaki tayong mga Pilipino. Ngunit ang higit na malungkot ay kanya-kanya ang mga Pinoy doon imbes na magsuportahan sa isa't isa. Dala-dala pa rin ang ugaling talangka o 'yung hilig manghila ng pababa.

Kung ikukumpara naman diumano ang kulutra ng Pilipino sa mga Aleman, ang Aleman ay masyadong nasyonalistiko dahil mas inuuna nilang bilhin ang sarili nilang mga produkto kaysa sa iba. Samantalang ang mga Pinoy ay mahihilig nga sa imported. Sa Germany ay hindi gaanong pinapahalagahan ang wikang Ingles kagaya sa atin na kahit kapwa Pilipino ang nag-uusap ay nag-i-Inglesan pa! Ultimo nga pelikulang galing sa ibang bansa ay isinasalin pa sa wikang Aleman para kanilang maintindihan. Kumbaga, 'di nila kailangang mag-adjust. Ang mga dayo sa kanila ang dapat na makibagay. Samantalang sa atin ay maraming nahuhumaling sa kultura ng ibang bansa partikular sa Western, mapa-kasuotan, pelikula, musika at iba pa.Hindi rin diumano uso ang kurapsyon sa gobyerno roon, 'di tulad sa atin na maraming opisyales ng goberno ang nasasangkot sa mga katiwalian. Sa totoo lang mahirap pagkumparahin ang dalawang bagay na sadyang magkaiba. Ngunit kung mayroon diumano tayong dapat
tularan sa mga Aleman ayon kay Gina ito ay ang pagiging indipendiyente at hindi inaasa ang takbo ng ekonomiya sa ibang bansa.

Ang pangarap ni Gina ay ang makapagpatayo ng eskuwelahan sa pre-school at kindergarten dito sa Pilipinas. Palibhasa ay dating guro sa atin kung kaya't ganuon na lang ang pagpapahalaga sa edukasyon. Para ito ay maisagawa ay kuntodo siya sa pag-iipon at naghahanap din ng financier na maaaring makatulong sa kaniya. Hindi niya alam kung gaano pa siya katagal maninirahan sa Germany. Basta't ang alam niya ay uuwi pa rin siya sa bayang kanyang sinilangan pagdating ng araw. Pero sa ngayon patuloy muna ang kanyang pakikipagsapalaran sa bayan ni Hitler...
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...