Friday, November 28, 2008

Ang Pasko ng mga pulubi





Mga kuha ni William M. Rodriguez II

Nalalapit na ang Kapaskuhan kaya’t mapapansing nagkalat na naman ang mga kapatid nating mga Aeta at Badjao sa mga lansangan sa Metro Manila at mga karatig lugar. Naging tradisyon na ito sa kanila dahil taun-taon na nila itong ginagawa.

Balewala sa kanila kung malayo man ang kanilang naging paglalakbay. Basta’t ang importante ay makarating sila rito sa atin para makapanlimos. Tutal minsan lang namang sasapit ang Pasko sa loob ng isang taon. Batid nila diumano na mababait ang mga tao kaya’t naghahari ang pagbibigayan. Ito ang gusto nilang samantalahin para may maipon silang pera.

Hindi nila alintana na mayroong krisis pang-ekonomiya dahil simula’t sapul ay pangkaraniwan na lang sa kanila ang kahirapan. Nakidagdag pa sila sa bilang ng mga pulubi na nagkalat kung saan-saan. Nagpapatunay lang ito na maraming naghihirap sa Pilipinas. Salungat sa ipinangangalandakan ng gobyeno na gumaganda na raw ang lagay ng ating ekonomiya.

Marami sa kanila na may tangan-tangan pang maliliit na mga anak para makatawag ng pansin sa mga tao. Kapag tiningnan mo ay talagang mga nakakaawa. Samantalang ang ilan sa kanila kahit sobrang tanda na ay nasa lansangan pa rin at nakikipagsapalaran para sa kaunting barya. Hindi rin nila alintana ang panganib, na sa isang iglap ay maaari silang masagaan ng mga sasakyan.

Ngayong Kapaskuhan sana ay maisip ng bawat isa habang sa gitna ng ating pagsasaya ay mayroong mga taong kumakatok sa ating mga puso para humingi ng kaunting regalo. Pero sapat na ba ang mabigyan lang sila ng limos tuwing Pasko? O baka kailangan talaga nila ng tulong mula sa kinauukulan? Paano na kung hindi naman Pasko? Naruon uli sila sa kani-kanilang mga lugar kung saan ay hindi abot ng modernisasyon. Balik sa kung ano’ng gawain man sila mayroon dati. Mga walang inaasahang magandang hinaharap dahil hindi mga nakapag-aral kaya’t ‘di marunong bumasa at sumulat. Basta ang alam nila ay kailangan pa rin nilang mabuhay sa kabila ng hirap na nararanasan.

Ano naman kaya ang kanilang inaasahan sa mga pulitiko na nagkalat ang mga poster na mayroong pang mga mukha nila at bumabati ng “Maligayang Pasko at Manibagong Taon.” At ano rin ang kanilang inaasahan sa mga nababalitang Presindentiable Candidates sa taong 2010 na ngayon pa lang ay pumupostura na para sila ang maging manok ng mga tao sa pagka-presidente?

Para sa iba pang babasahin.

Monday, November 10, 2008

Si Barack Obama Para sa Mga Pinoy


Marami ang nagdiriwang dahil sa pagkakapanalo ni Barack Obama bilang bagong presidente ng Amerika; hindi lang ng mga Amerikano kundi mga iba't ibang lahi sa mundo. Ibang klase kasi ang kanyang hatak kaya nga't nagkaroon ng Obama fever. Kahit sa mga survey pa lang ay lumamang na nang husto si Oba sa katunggali nitong si John Mcain. Tangan-tangan din ni Obama ang palasak na slogan na ginagamit ng sinumang pulitiko, ang "change o pagbabago." Pero inaasahan talagang malaking pagbabago ang magaganap dahi si Obama ang kanilang kauna-unahang African-American president.

Pero ang tanong, ano ba ang pakialam ng Pilipinas kay Obama at maging tayo at nakisawsaw din sa eleksiyong 'di naman para sa atin? Ilan nga sa ating mga kababayan ang nagtitinda pa ng t-shirt na ang tatak ay mukha ni Obama. Ngunit natural lamang na magkaroon tayo ng pakialam dahil ang Amerika ay itinuturing nating pinakamalakas na kaalyado. Ang ating ekonomiya ay tila nakasandig sa kanila dahil maraming mga negosyanteng Amerikano ang nag-invest ng kaniang negosyo sa ating bansa. Nakakautang din tayo ng salapi mula sa kanila sa pamamagitan ng IMF-World Bank. Kaya't kahit 'di pa si Obama ang nanalo sa pag-kapresidente ng Amerika ay patuloy silang magiging kadikit natin.

Sa pagkapanalo ni Obama ay nalansag ang diskriminasyon sa pagkakaiba ng kulay sa pagitan ng mga puti at itim. Patunay lang ito na hindi mahalaga ang kulay, ang importante ay ang prinsipyong ipinaglaaban nito. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nanalo si Obama. Sabi ng iba, sana ay maging eye opener din ito sa ating mga Pinoy na masyadong humahanga sa mga puti. gayung ang lahing kayumanggi ay 'di rin naman pahuhuli kung galing lang din ang pag-uusapan.

Isa sa mga prayoridad ni Obama ay ang pagbibigay ng trabaho sa mamamayang Amerikano kaya't nangangamba ang ilang nating kababayan na magiging dahian din ito ng pag-full out ng kanilang mga call center sa bansa natin. May balita na ring nagkakatanggalan na ng mga migrant workers sa Amerika dahil sa krisis pang-ekonomiya na kanilang kinahaharap. Ngunit sinasabi naman ng iba na 'di magkakaroon ng malawakang pagsasara ng call center sa atin dahil 'di hamak na mas mura ang bayad sa lakas paggawa rito kumpara kung kapwa Amerikano nila ang kanilang kukunin.

Kilala rin sa Obama sa pagtutol sa giyera sa Iraq, 'di tulad ni George Bush na giyera ang isinusulong laban sa Iraq. Kapag natigil na ang giyera roon ay 'di na tayo maoobliga na magpadala pa ang ating gobyerno ng mga sundalo natin para magpakita ng suporta sa giyerang wala naman tayong kinalaman.

Inaabangan naman ng ating mga Beterano at kanilang mga kaanak ang pagpapatibay sa Equity Bill o pagkapantay-pantay ng pagtanggap ng benipisyo sa pagitan ang mga beteranong Pilipino at Amerikano na nakipaglaban noong Ikalawang Digmaang pandaigdig. Kinamatayan na nga ng maraming Beterano ang paghihintay na maisa-batas ito. Sinasabing suportado diumano ni Obama ang panukalang ito. Pero kailangan pa itong pagtibayin sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng Amerika bago maging ganap na batas. Ngunit bigyan kaya nila ito ng prayoridad gayung nasa gitna nga ng krisis ang Amerika?

Ang tanong ng ilang ordinaryong mamamayan, ngayong si Obama na ang presidente ng Amerika bawas-bawasan kaya nila ang pagkontrol sa iba't ibang kaparaanan sa mga maliliit na bansang kaalyado nila tulad ng Pilipinas? 'Yan ang magandang abangan kay Obama na waring pinagtiyap ng kapalaran na maging katunog pa ang apelyido sa pangalan sa numero unong terorista na si Osama Ben Ladin.

Sunday, November 2, 2008

Agam-agam

"Larry, buntis ako," sabi ni Elaine sa kanyang nobyo habang mangiyak-ngiyak pa. Gumamit kasi siya ng Pregnancy test at lumabas na positive ang resulta. Natulala ang kanyang nobyo at parang ‘di makapaniwala sa kanyang narinig. Hindi kasi niya akalain na mangyayari ang ganuon kahit sila pa ay naging maingat. Wala pa namang trabaho si Larry kaya’t paano niya gagampanan ang responsibilad ng isang ama. Hindi pa siya handa sa pagpapmilya dahil ang sarili nga niya ay ‘di niya kayang buhayin, ang magpamilya pa kaya? Pakiramdam niya ay para siyang napako sa isang sitwasyon na wala siyang kawala.

"Ano ba, ‘di mo ba narinig ang sinabi ko ko, buntis ako!" sabay tulo ng kanyang luha. Punung-puno kasi si Elaine ng pag-aala. Imbes na sagutin ang sinabi ng nobya ay niyakap na lang ito ni Larry ng mahigpit. Hindi alam ni Elaine kung paano sasabihin ito sasabihin sa kanyang mga magulang. Parang nakikinita-kinita na niya ang magiging reaksyon ng kanyang mga magulang na galit na galit. Ilang beses na rin kasi siyang pinaalalahanan ng mga ito na huwag magpapabuntis sa kanyang nobyo. Kung sakali mang mangyari raw ‘yun ay dapat kasal na sila. Dahil baka nga naman takbuhan lang ito ng lalake.

"Natatakot ako sa mga magulang ko, baka mapatay ako ni Tatay dahil sa galit. Ano kaya kung ipalaglag ko na alng itong dinadala ko." tanong ni Elaine sa kanyang nobyo.

"Huwag malaking kasalanan sa Diyos kung ipapalaglag mo ang bata."pagsawata niya sa kanayng nobya.

"Pero paano ‘yan wala ka pang trabaho? Parang nanunumbat na ang tono ni Elaine.
Bago maghiwalay ang mag-nobyo ng araw na ‘yun ay punung-punong ng tensiyon at agam-agam sa pagitan ng dalawa. Ang babae ay natatakot sa kanyang mga magulang. Samantalang ang lalake ay ‘di alam ang gagawin sa kinahaharap na sitwayon.

Pagdating sa bahay ay ‘di mapakali si Larry, naglalaro sa kanyang isipan ano kaya kung iwan na lang niya si Elaine. Huwag nang magpakita pa rito, uuwi na lang siya sa kanyang probinsiya. Pero alam niyang ‘di niya kayang gawin ang ganuon dahil ayaw niyang magkahiwalay sila ng kanyang nobya. Saka isa pa, ginusto naman nila pareho ang nangyari kaya walang dahilan para hiwalayan ang nobya. Hindi siya katulad ng iba na masyadong mapaglaro sa pag-ibig. Pagkatapos paibigin ang isang babae at buntisin ay maglalaho na lang itong parang bula. Ayaw niyang lumaki ang bata na walang kinikilalang ama. Ayaw din niyang kamuhian siya ng kanyang magiging anak paglaki nito dahil pinabayaan lang niya. Broken family kasi si Larry, bata pa lang siya nang maghiwalay ang kanyang ama’t ina. Kaya’t alam niya kung ano ang pakiramdam ng wala ang isang magulang. Napagpasyahan niya na pagpupursigehin ang paghahanap ng trabaho para mapaghandaan ang paglabas ng magiging anak nila ni Elaine. Bigla na lang itong na-excite kung ano ang magiging hitsura ng kanilang anak, kung ito ba ay lalake o babae.

Samantala, nagtapat na si Elaine ng kanyang sitwasyon. Noong una ay nabigla ang kanyang mga magulang. Ngunit taliwas sa kanyang inaasahan ay hindi niya kinaringgan ng anumang sumbat at hinanakit ang kanyang mga magulang. Kundi puro pang-unawa ang kanilang ipinakita ng mga sandaling ‘yun. Makabubuting papuntahin na lang daw niya ang kanyang nobyo. Bahagyang natigilan si Elaine sa sinabi ng kanyang mga magulang dahil walang kasiguruhan kung ano ang susunod na hakbang ni Larry. Pero nawala ang lahat ng kanyang agam-agam nang mag-text ang nobyo. "Babes, bukas pupunta ako d’yan sa inyo para siguraduhin ko sa mga magulang mo na pananagutan ko ang nangyari." Biglang sumilay ang ngiti sa labi ni Elaine at sinugurado sa mga magulang napupunta ang kanyang nobyo sa araw ng bukas.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...