Wednesday, February 13, 2008

Ang galing ng saging

Kahit saang sulok ng bansa ay mayroong puno ng saging. Sadyang napakalaki ng pakinabang natin dito dahil bawat parte ay mayroong gamit. Maihahalintulad ito sa puno ng niyog na tinaguriang 'tree of life.' Pero ang puno ng saging ay hindi talaga puno kundi isang malaking bulas na herb.

Ang hinog na saging ay pagkaing nakapagpapalakas at nakakapagpaginhawa ng pakiramdam. Kaya't hindi ito nawawala sa hapag-kainan ng marami para gawing panghimagas at kung minsan ay inuulam pa! Masarap kasi itong kainin, mayaman ito sa iron kaya't mainam itong kainin ng mga taong anemic o kulang sa dugo. Kapag sa umagang-umaga ito kakainin, nakakapagpaginhawa ito sa pagdumi taliwas sa paniniwala ng iba na ang saging ay nakakapagpatigas ng dumi.

Ang saging na saba ay masarap kapag ginagawang nilaga, minatamis, balensiya, maruya, bananakyu at iba pa. Ang ilang bahagi naman ng punong saging gaya ng puso ng saging, suwing saging, bulaklak ng saging ay nagsisilbing gulay.
Siyempre, ang dahon ng saging ay ginagamit pambalot ng pagkain. Ginagamit ring pampadulas ng bagong lampasong sahig ng bahay at pampadulas ng plantsa. Ginagamit namang props ang katawan ng puno ng saging,pinagtutusukan ng bulaklak sa b-day at kasal. O, 'di ba bongga?

Ang pinakamaganda, may katangiang medisinal ang puno ng saging. Ang murang dahon ay nagagamit na malamig na pambalot sa namamaga o paltos na bahagi ng katawan at panlagay din para sa sumasakit na ulo. Ang dagta naman ng puno ng saging at ang katas ng ugat nito naipanggagamot sa buhok na nalalagas. Ang bulaklak naman ng saging kapag niluto ay mainam na gamot sa diabetes. Maliban sa bulaklak ng saging puwede ring igamot sa diabetes ang bubot na saging pati na rin sa diarrhea.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...